Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpanaw ni Rodolfo Quizon Sr.
[Ika-10 ng Hulyo 2012]
Mabuting tao si Dolphy, at kinatawan niya ang karaniwang Pilipino: malalim magmahal, masayahin, may respeto sa kapwa, at handang harapin ang mga hamon ng tadhana. Nagmula siya sa isang henerasyong dumaan sa maraming pagsubok—at sa pakikipagsapalaran ay natutong maging mapagpakumbaba, matapat, at matulungin. Hindi kailanman niya tinalikuran ang mga kaibigan, at ang sambayanang naging bukal ng kanyang mga tagumpay.
Sa loob ng mahabang panahon, ipinakita sa atin ni Dolphy na anumang pagsubok ay may katuwang na pag-asa at ligaya; mulat siyang anumang problema ay mapangingibabawan ng positibong pagtanaw sa kapalaran. Binago niya hindi lamang ang kaniyang industriya, kundi maging ang pambansang kamalayan: sa pamamagitan ng kaniyang sining, pinalawak ni Dolphy ang ating pananaw, at binigyan tayo ng kakayahang suriin, pahalagahan, at hanapan ng ngiti ang mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng bawat Pilipino.
Nakikiisa ako at ang aking pamilya, sampu ng ating mga kasamahan sa gobyerno, sa pagluluksa ng Pamilya Quizon ngayong gabi. Ang pagpanaw ni Rodolfo Quizon Sr.—ang nag-iisang Hari ng Komedya—ay tiyak na nagdudulot ng lumbay sa isang bansang matagal niyang pinasaya.